Secret sauce that brings YouTube followers, views, likes
Get Free YouTube Subscribers, Views and Likes

Talumpati para sa Pagtatapos - Filipino sa Piling Larang (Akademik)

Follow
Apple Beltran

Nilalaman:
Marahil ang iilan sa inyo ay naranasan nang maligaw ng landas. May mga pagkakataon at pangyayari tayong pinagsisisihan ngunit hindi na natin maibalik ang oras. Subalit bakit kasama ko kayo ngayong nagpapatuloy sa buhay para sa magandang bukas? Dahilan marahil hindi natatapos ang sarili mong kwento sa isang pagwawakas.

Ako si Binibining Apple Beltran na binabati ang mga kagalanggalang na panauhin, Si Ginoong na punungguro ng departamento ng SHS, ang lahat ng mga guro sa TNHS, ang mga magulang na naririto, at sa lahat ng mga magsisipagtapos! Isang mapagpalang araw na ipinagkaloob sa ‘tin ng Diyos. Ang magtanghal sa inyong harapan ay karangalan kong lubos!

Mapagbiro ang buhay dahil kailangan nating maranasang malungkot, maghirap, at itrato nang hindi patas at pantay bago natin makamtan ang tunay na saya at tagumpay. Noong unang taon ko sa hayskul, hindi pa ako rito nagaaral sa Tarlac. Nabigyan ako ng pagkakataon ng Holy Angel University sa AC, Pampanga para makapagaral doon nang libre. Hindi ako sanay sa malaking paaralan at maraming nakikitang estudyante dahil hindi gano’n ang kinalakhan kong kapaligiran noong elementarya. Kaya malaking pagsubok sa ‘kin ang makisalamuha at makibagay sa iba’t ibang mga estudyante roon. Hindi rin ako nakaligtas sa mga pangungutya at mga taong mapangmata. Na lahat yata ng galaw at kahinaan mo ay pinagtatawanan nila. Nang dahil din sa karanasan kong ito, nagsimulang bumaba ang aking kumpiyansa sa sarili maging ang aking mga marka at nagkasakit ako na hanggang ngayon ay aking daladala.

Dati pa man ay palakaibigan na ako. Pero sa unang taon kong iyon napagtanto na hindi lahat ng kaibigan mo ay kaibigan din ang turing sa ‘yo. Tunay na hindi lahat ng tao ay magiging masaya sa kaligayahan mo. May mga tao rin ibababa ka lalo kahit sila pa mismo ang inaasahan mong unang susuporta sa ‘yo. Kaya sa ikalawang taon ko sa hayskul, naisipan kong umiwas sa mga ganitong klase ng tao. Kung naranasan mo rin ang naranasan ko at naisipan mo ring umiwas o lumayo sa kanila, binabati kita! Hindi ka kalianman magiging kawalan dahil may darating at darating na bagong mga kaibigan na handa kang tanggapin at tulungan.

Ikasiyam na baitang ko mas nakilala ang mga naging kaibigan ko noong ikawalo. Nakakilala rin ako ng mga bagong kaibigan na hanggang ngayon ay kaibigan ko. Natuto na rin akong makibagay at makisalamuha sa iba, ngunit pinipili ko na kung sinusino ang mga mapagkakatiwalaang kong talaga. Sa huling taon ko sa HAU ay mas lalo akong lumago at natuto ng maraming bagay. Nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili at nagawa ko rin ang mga dati’y hindi ko nagagawa. Lumipat ako ng San Sebastian Cathedral School nang ikasampung baitang. Marami ulit akong naging kaibigan at hindi ko ipagkakailang marami akong natutuhan. Maraming mga patimpalak akong sinalihan at karamihan ay aking napagtagumpayan. Isang malaking pasasalamat dahil naging malaking tulong ang aming tagapayo dahil malimit niyang sabihin sa ‘min, “Alam kong kaya niyo at naniniwala ako sa kakayahan ninyo.” Ang sarap sa pandinig at pakiramdam na mayroong naniniwala sa ‘yo kahit sa mga panahong pinagduduhan mo ang sarili mo.

Lumipat ako ng Tarlac National High School noong nagkaroon ng pandemya. Dahil sayang nga naman ang ibabayad sa pribadong paaralan gayung pareho lang din namang sa bahay magaaral. Ang masasabi ko lamang ay ang hirap, at lahat naman siguro tayo ay nahirapan. Naranasan kong mapagiwanan, maraming gawain ngunit wala kang natututuhan, at mawalan ng motibasyon sa pagaaral na tila gusto mo na lamang sukuan. Subalit laking pasasalamat ko ulit sa mga dati kong kaibigan at mga naging bago kong kaibigan. Nagkaroon ako ng kakampi, katulong, at karamay sa mga pagsubok na pinagdaraanan. Maging sa mga magulang at kapatid ko na handa ako laging pakinggan at intindihin. Ngayon ko napagtanto na ang swerte ko sa mga taong nakapaligid sa akin.

Bakit ba puro pagkakaibigan ang aking binabanggit? Ito ay dahil sila ang rason kung bakit ang buhay hayskul ko ay talaga namang nasulit. Ang sabi sa akin ng aking mga magulang na, “Sa hayskul mo mararanasan ang lahat,” at hindi sila nagkamali dahil nasa mga tamang tao ako. Naranasan ko mang malungkot at maghirap ngunit nariyan sila upang making karamay ko. Sigurado akong kayo rin naman at may ganitong karanasan. Na mas naging makabuluhan ang ating buhay hayskul dahil sa ating mga kaibigan. Mas marami tayong matututuhan sa eskwelahan dahil may barkada tayong handa tayong tulungan. Wala naman sa dami ng kaibigan 'yan, nasa mga totoo't mapagkakatiwalaan. Kaya hindi ako nagsisising inenjoy ko ang aking buhay kasama sila habang nagaaral. Tandaan ninyong may buhay kayo sa labas ng paaralan. At sa pagtatapos nating ito, tandaang hindi nalilimitahan sa paaralan ang mga dapat mong matutuhan. Hindi ito ang wakas dahil ito ay simula pa lamang. Simula ng bago nating tatahaking landas para sa sigurado at maayos na kinabukasan. Kaya magpatuloy ka lang!

posted by Nikakitp